As a first post on my Personal & Writing Blog, I've decided to post this essay which was written as a course requirement on one of my Writing Courses last semester. I would soon be posting an English and more in-depth version of this when I get to snatch some time.
---------------------------------------------------------------------------
GALIMGIM
ni Marie Paige Seven Bautista
Tila
kay bilis na lumipas ng apat na taon. Tapos na ang mga panahong siya’y basta na
lamang mapatutulala – ni wala naman talagang iniisip – blangko ang mga matang
nakadako palabas sa bintana ng kanilang silid-aralan. Wala na ang mga gabing
babangon siya’t uupo sa duluhan ng kanyang kama – humahapo gayong hindi naman
pagod – nang may mga matang kumikislap hindi dahil sa kaligayahan kung hindi
dahil sa luhang nangingilid dito. Ngayo’y wala kang makikitang lalabas sa
kanyang mga mata; ni isang patak ng luha o kalahati kaya. Tumatag na ba siya?
Pinatatag ng panahong lumipas? Oo… iyon ang sabi ng isip niya.
Subukan
mong tanungin siya tungkol sa pangyayaring iyon sa kanyang buhay, at walang
pag-aalinlangan siyang sasagot sa iyo. Tila baga hindi personal ang usapin.
Tila wala ang sakit na bagama’t subukan niyang ikaila sa kanyang sarili’y
mahigpit pa ring nakayakap sa kanyang puso. Kaya niyang isalaysay sa iyo ang
buong kuwento, abutin man kayo ng kung ilang oras, sa paraang napaka-kaswal na
tila baga ikinukuwento lamang niya sa’yo ang latest showbiz chika. Karamihan sa
mga taong nagtatanong, kaunting minuto pa lang ay humihingi na ng paumanhin.
Ngingiti lamang siya at sasabihing, “Hindi, okay lang ako. Tapos na ‘yun.”
Sa
panlabas niyang mukha, sa mata ng mga tao sa kanyang paligid, para bang walang
masalimuot na nangyari. Siya pa rin iyong batang babaeng tila ba lagi nang
nakangiti. Siya pa rin ‘yung makapagpapangiti sa’yo gayong hindi naman niya
sinusubukan. Sa loob ng kanyang puso, hindi na masyadong nalalayo sa panlabas
ang estado. Alam na alam niyang naka-move
on na siya. Ang mga ngiting inihaharap niya sa mga tao’y wala nang halong
pagpapanggap. Nagbalik na ang dating sigla sa kanyang mga halakhak. Ngayo’y
wala kang makikitang lalabas sa kanyang mga mata; ni isang patak ng luha o
kalahati kaya. Tumatag na ba siya? Pinatatag ng panahong lumipas? Oo… iyon ang
sabi ng isip niya.
Gayon
pa man, may mga pagkakataon pa ring tila nagbabalik sa kanya sa pait at sakit
ng nakaraan. Minsan, pelikula ang gumagawa nito; minsan naman ay tunay na
eksena sa buhay. Sa mga araw na siya’y nag-iisa sa bahay at tapos na sa mga
takdang-aralin, nanonood siya ng mga pelikula sa telebisyon. May mga pelikula
kung saan siya’y basta na lamang mapatutulala – ni wala naman talagang iniisip
– blangko ang mga matang nakadako sa iskrin ng telebisyon. Uupo lamang siya sa
duluhan ng mahabang sopa – marahan at kalmado ang paghinga – nang may mga
matang kumikislap hindi dahil sa kaligayahan o luha kaya, kung hindi sa
kadahilanang pati siya’y hindi nakaaalam. Kaunting sandali pa’y hindi na siya
nakatitig pa sa telebisyon; siya’y nakatitig na sa mga taong tahimik na
nagkakatipon sa labas. Hindi na siya ang labimpitong-taong-gulang na dalagang
nanonood ng pelikula sa TV; isa siyang labindalawang-taong-gulang na dalagita –
maayos nang suot ang kanyang unipormeng blusang may kurbata – na naghahanda sa
pagpasok sa eskwela. Hindi siya nag-iisa sa gabing ito; kasama niya ang kanyang
nakababatang kapatid sa isang malamig na umaga. Pareho silang lito sa tahimik
na komosyong nangyayari sa labas ng kanilang bahay.
Nabasa ko ‘yung mga text messages. Napansin ko ang napapadalas na pag-alis-alis ni Mama. Alam kong hindi na sila nagtatabi ni Papa sa pagtulog – bumababa si Mama sa sala kapag alam niyang natutulog na kami ng aking kapatid sa kabilang kuwarto – dahil noong minsang gumising ako para tumapos ng isang project ay narinig kong may lumabas sa kabilang kwarto, at nang silipin ko’y nakita ko si Mama na may dalang unan at kumot. Marahil naghihinala rin ako noon, pabaha-bahagya, subalit anong boses bang mayro’n sa isang bata? Tigil. Teka. Ito nga kaya ang dahilan kung bakit sa umagang ito’y nagsadya pa ang aking mga lolo’t lola sa bahay upang kausapin sina Mama at Papa? Hindi ko alam. Hindi maaaring magtanong. Hindi dapat makialam. Ang tanging magagawa’y pumasok sa eskwela at hintayin ang balitang sasalubong sa’king pag-uwi. Hindi na maiisip ang quiz sa Algebra; higit na mangingibabaw ang pag-aalala sa kapatid at sa bubot pa nitong isipan. Mauunawaan mo kaya, Mario? Bumubulong ang aking sarili sa’king isipan. Huwag kang mag-alala. Iiwanan ka ng lahat ng tao, pero hindi ni ate. Hinding-hindi ni ate.
Pagkurap
niya’y nabalik siya sa kasalukuyan. Nais niyang umiyak, subalit ni isang luha’y
hindi lumabas sa kanyang mga mata. Gusto niyang sumigaw, humagulgol sa
masidhing sakit na muling nanariwa sa kanyang damdamin, subalit hindi niya
magawa. Masyadong masidhi, masyadong malalim, na kahit ang luha’y nahiyang
pantayan ito.